Si Helen Calub, 49 taong gulang, ay tubong Southern Leyte. Siya ay dating kasambahay at ngayon ay kagawad ng Sangguniang Barangay ng South Drive sa Baguio City. Bilang barangay kagawa, siya ay tumutulong na mapaunlad ang buhay ng mga kasambahay sa kanilang barangay.

"Sa pakikipagtulungan sa Department of Labor and Employment-Cordillera Administrative Region, si Kgwd. Calub, sampu ng kaniyang mga kapwa kagawad, ay nangangrap na ang South maging Drive ay maging Kasambahay-Friendly Barangay," paglalahad ni DOLE CAR Assistant Regional Director Atty. Erwin N. Aquino.

Isa sa mga pamamaraan na ginagamit ni Calub at kaniyang mga kasamahan ay ang pamamahagi ng kaalaman sa kanilang mga kabarangay ukol sa g Kasambahay Law.

"Nag-aalala kami noong una na baka magbago ang pakikitungo ng mga kasambahay sa kanilang mga amo sakaling malaman nila ang kanilang mga karapatan. Pero napawi ang pag-aalalang ito mula noong magdaos kami ng Forum and Orientation on the Ksambahay Law noong 18 January sa DSWD Training Center sa pakikipagtulungan namin sa DOLE. Nag-iba ang aming pananaw kung ano nga ba talaga ang nilalaman ng Kasambahay Law," ani Helen.

"Dati ang alam lang namin ukol sa DOLE ay nakatutok ito sa mga pormal na empleyado sa pribadong sektor, pero dahil dito sa programang ito, nakilala namin na ang DOLE pala ay kakampi sa pagsasaayos at pagpapabuti ng relasyon ng mga kasama sa bahay at ng mga tinatawag nilang mga 'Ate' at 'Kuya', dagdag pa niya.

Naaalala pa ni Helen ang hirap ng isang kasambahay.
"Naging kasambahay ako ng halos 30 taon. Kapag ikaw ay kasambahay, una, malayo sa pamilya; pangalawa, lumalaki ka sa ibang lugar; at pangatlo, masakit isipin na napagsisilbihan mo ang iba pero ang sariling pamilya, hindi mo man lang magawang ma-itimpla ng kape at maipagluto."

Aminado si Helen na mapalad siya dahil napakabait at napakabuti ng kaniyang mga naging 'Ate' at 'Kuya'.

Dahil dito, naisip ni Helen ang sitwasyon ng mga katulad niyang kasambahay na ang iba ay inaabuso at ang iba naman ay pinagsasamantalahan ang kanilang kalagayan.

"Marami sa mga kasama natin sa bahay ang galing sa mga probinsiya; marami sa kanila sunud-sunuran na lamang sa lahat ng ipinag-uutos kahit kung minsan ay hindi na makatarungan," sabi ni Helen.

Sinabi ni Helen na napakaraming natutunan ang mga kasambahay na dumalo sa Forum and Orientation ukol sa Batas Kasambahay.

Sa ilalim ng bagong batas, hindi maaaring magtrabaho ng higit sa walong oras ang isang kasambahay na ang edad ay 15 taon pababa, kumpara sa kasambahay na 18 taon pataas na puwedeng magtrabaho ng higit sa walong oras pero ang karagdagang oras na pagtratrabaho ay may overtime pay.

"Dapat pala, ang mga kasambahay ay nakarehistro sa Barangay bilang proteksyon nila at nang mailagda na sila ay residente sa isang lugar," sabi ni Helen.

Napag-alaman din niya ang iba't-ibang mandatory benefits, kagaya ng isang araw na pahinga; limang araw na service incentive leave with pay; at kung ang kasama sa bahay ay may isang taon nang naninilbihan, sila rin ay entitled sa 13 month pay. Kailangan din na sila ay may benepisyo ng PhilHealth, Pag IBIG, at Social Security System kung saan sagot ng amo ang buwanang hulog kung ang kanyang sahod ay bababa sa P5,000 kada buwan, at kung ito naman ay sobra sa P5,000 libo, ang kasambahay ay dapat na may bahagi sa pagbabayad ng kanyang mga benepisyo.
Natutuwa si Helen sa kaniyang mga natutuhan at nangako na pag-iibayuhin niya ang kampanya sa Brgy. South Drive upang malaman din ng iba pang amo at kasambahay ang mga itinatakda ng Batas Kasambahay.

"Higit sa lahat, ang ating mga kasama sa bahay ay kagaya rin ng sinumang tao na naghahangad na mapabuti ang estado sa buhay," pagtatapos ni Helen.

Back to Top